Matagal na rin akong hindi nakakapag-blog sa account kong ito. Marahil dahil na rin sa sobrang dami ng electronic accounts ko at sa limitadong oras na maaari kong ilaan sa pag-che-check ng account. Siguro dahil na rin sa napakaraming gawain sa paaralan kaya hindi ako gaanong makapagsulat.
*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*
Marami nang pangyayari ang naganap sa akin mula ng pumasok ako sa Ateneo. Marami na ring pagbabago ang umusbong sa buhay ko. Pero hindi ko na matutukoy ang lahat ng pagbabagong ito sa aking sarili. Sapagkat hindi ko na matukoy kung ano ako noon na kaiba sa kung ano ako ngayon. Hindi ko na mawari ang kalikasang nabago na ng panahon. Hindi ko na kayang tukuyin ng masinsinan kung ano ako noon sapagkat iba na ako ngayon. Hindi ko kayang malaman ang kaibahan sapagkat hindi ko na kayang balikan ang nakaraan upang danasin muli ang magkatulad na pagdanas. At kung sakali mang bumalik nga ako sa nakaraan, sa nakaraang nagdulot ng ngayon, hindi rin ako nakatitiyak na ang kahapon ay katulad ng lumipas nang kahapon. Ang tanging alam ko lamang ay malay ako sa pagbabagong naganap sa buhay ko. Hindi na gaanong mahalaga na malaman ang pagbabago, sapat na ang pagtanaw at pag-unawa sa kaibahan ng noon at ngayon.
*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*
Hindi ako palaging malay sa aking damdamin. Marahil ay dahil na rin sa hindi payak ang mga damdaming nararamdaman ng tao. Malimit ay hindi iisa ang ating nararamdaman sa isang tiyak na panahon. Madalas na halu-halo ang ating nadarama at ang minsang trahedya pa nito ay magkasalungat ang damdaming lantad sa magkasabay na panahon. Katulad na lamang ng pangyayari kahapon - ang akala kong masayang araw ay nagtapos bilang isang malungkot na pangyayari.
Noong una, masaya naman talaga at intensyong maging masaya ang araw na iyon. Selebrasyon kasi ng kaarawan ng kaibigan ko. Pumunta kami sa Star City at sumakay ng kung anu-anong mga rides. Maaaring masaya kung iisipin ngunit hindi ko mawari kung kaligayahan nga ang dapat kong maramdaman. Hindi kasi ako mahilig sa adventure kung ang pah-uusapan ay carnivals and amusement park. Madali kasi akong mahilo at matakot sa mga matataas na lugar. Hindi ko rin gustong nababaligtad ang mga parte ng katawan ko (halimbawa ay napupunta sa ibaba ang aking ulo sa halip na ang paa ko). Gayunpaman, kailangan kong maging masaya sapagkat iyon ang idinidikta ng panahon at pangyayari sa kabila ng kaba at takot na isinusulong naman ng aking likas na damdamin. Ngunit, hindi lamang iyon ang kalituhang hinarap ko kahapon. Isa lamang pala iyong prologo na nakalakip sa mas malaking kalituhan at balintuna nang araw na iyon.
Maaari ko nang tanggapin na masaya ang karanasan ko noong panahong iyon sa kabila ng pagiging KJ ko sapagkat isang "challenging" ride lamang ang aking sinakyan sapagkat kasama ko naman ang mga kaibigan ko at nasiyahan naman ako sa ibang pamamaraan. Gayun nga lamang, hindi sa kaligayahan nagtapos ang aking damdamin. Mabilis ang pagbabago ng emosyon ng tao na siyang dinadama ng pisikal nating aspekto. Sa hindi matukoy na tiyak na kadahilanan, nagalit ako. Nainis ako. Nabuwisit ako. Nairita ako. Nagkagalit kami ng kaibigan ko sa hindi ko matukoy na kadahilanan. Hindi ko matukoy ang ugat ng aking damdamin sa kabila ng lantad na katotohanang naganap bago ko nadama ang kasalukuyang damdamin. Alam kong may nadarama ako at alam ko kung ano ang nararamdaman ko (kahit na hindi gaano kalinaw ang aking pagkaunawa sa aking damdamin), ngunit hindi ko matukoy ang pinag-uugatan ng aking damdamin.
Nagagalit ako ngayon ng walang rason at kung mayroon man, hindi ako mulat kung ano iyon. Nagagalit ako bago ko pa man malaman ang dahilan ng aking pagkagalit. Pero maaari ring alam ko kung bakit ako nagagalit ngunit hindi ko lamang matukoy gamit ang mga salita kung bakit. Maaari ring alam ng salita kung ano ngunit hindi kayang intindihin ng aking pang-unawa. Maraming posibilidad ngunit laging walang katiyakan. Ngunit bakit mahalaga para sa akin ang katiyakan ng aking damdamin? Bakit kailangan kong bigyan ng kadahilanan ang mga bagay-bagay sa aking buhay? Hindi ba maaaring ganito sapagkat ganito lamang o kaya ganoon sapagkat ganoon? Bakit kailangang alamin ang mga sagot? Hindi ba sapat na malamang mayroong sagot sapagkat may tanong? Na umiiral ang sagot sa pag-unawang palaging may tanong? Hindi ba maaaring tanggapin ang mga bagay dahil (hanggang 'dun lang)?
No comments:
Post a Comment